Huwebes, Nobyembre 29, 2012

Karanasan sa Paghahanap ng mga Nawawalang Salita sa Wikang Isinay (1)

WIKANG ISINAY sana ang aking gagamitin sa blog na ito. Pero ewan ko ba at biglang sumagi sa aking isipan na magsulat naman sa wikang pambansa ng Pilipinas.

Marahil nagsasawa na ako sa pagiging Paeng (bansag na gamit namin noong dekada ‘80 sa isang opisyal ng Forestry na bagaman taal na Ilocano at marunong namang mag-Tagalog ay pa-ingli-English kung kausapin). At kaakibat niyan ay napagtanto kong maganda rin kung, for a change or to break the monotony, ay maibuhos ko paminsan-minsan sa wikang Filipino ang damdaming Isinay.

Marahil din nagpupumiglas ang aking pagka Pinoy at kahit papaano ay maiwasiwas man lang ang natutunan kong Pilipino mula noong nagbabasa ako ng Liwayway, Hiwaga, Tagalog Klasiks, Pilipino Komiks, at Tiktik noong ako’y nag-aaral pa sa Dupax Elementary School (1958-1964), kasama na noong una kong matisod sa Saint Mary’s High School na ang kahulugan ng balarila (ayon yata ito kay Lope K. Santos) ay “pag-aaral ng pagkakasunud-sunod, pagkakadugtung-dugtong, at pagkakaugnay-ugnay ng mga salitang napapaloob sa isang pangungusap.”

At marahil pilit na ibinabalik ng aking senior citizen nang subconscious ang mga natutunan kong pananagalog noong papaug-paog pa akong estudyante sa UP Los BaƱos (at di magaya ang paggamit ng ganire, nakakaadwa, matam-is, nakain ka ba ng aso, hane, at iba pang pananalita sa Timog Katagalugan) hanggang sa ako’y nagsusulat na rin sa wikang Filipino (halimbawa sa mga plakard at peryodikit bago mag-Martial Law, sa Ang Manggugubat ng Forestry Student Body Organization at sa Kalipunan ng Samahang Ekolohiya), at noong nagtapos na ay tumulong sa pagsasa-Filipino sa Saligang Batas ng Samaeko, naging tagapayo sa mga talumpatimpalak tuwing linggo ng wika sa Dalubhasaan ng Panggugubat, at nakibahagi nang konti sa pagkilos ng Sentro ng Wikang Filipino ng UPLB.

Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran


Isa sa aking mga bukam-bibig mula noong nahasa na ako sa pakikipagtalakayan sa wikang Pinoy ay ang salitang kagilagilalas. Maalala pa siguro yan ng mga matandaing nakasalamuha ko sa mga umpukan sa UPLB lalo na sa Forestry noong bata-bata pa ako.

Ginamit ko pa yata siya sa pamagat ng isa kong tula-tulaan noong ako'y pinalad maging Literary Editor ng mga pinakaunang isyu ng UPLB Perspective. Noong 1974-75 pa iyon. Kung tama ang aking ala-ala, ang pamagat ng katha kong iyon ay “Kagilagilalas na Pakikipagsapalaran ng Isang Tinamaan ng Balisawsaw”.

Siguro naman walang mababalisawsaw sa mga mambabasa at tagapagtangkilik sa blogsite na Isinay World – lalo na ang mga katribu kong Isinay – kung bubuhayin ko muli ang paborito kong salitang iyon sa blogpost na ito.

Sa mga kadugo kong Isinay: Matuwa tiye, iiva on abeveyoyan. Ganas, mamis, on marin matamam podda daratye madandanas uwar si pangan-anap si mawaywayir boon ila ya tinama tau mot an ba^ba^ si Isinay. (This is true, brothers/sisters and townmates. What I go through in my search for vanishing or forgotten words in Isinay are joyful, sweet, and unforgettable experiences.)

Pasensiya na kung di ko mai-translate sa Isinay ang kagilagilalas at pakikipagsapalaran. Maski anong pagpiga ang gawin ko sa utak ko, wala akong maalala sa ngayon na deretsahang katumbas na mga salitang iyan.

Gayunpaman, isasama ko ang mga salitang iyan – pati na mga synonyms ng kagilagilalas na amazing, wonderful at exciting, at “kamag-anak” ng pakikipagsapalaran na adventure, escapades at journeys – sa mga isasangguni ko sa mga nakakatandang Isinay pag-uwi ko muli sa Dupax.

Susubukan ko ring kalampagin ang mga kapareho kong Isinay sa aming grupong Isinay Global Association at Isinay Friends sa Facebook. Kung susuwertihin ay baka may mga katumbas ang mga naturang salita sa wikang Isinay ng mga taga-Bambang.
Sa aking paghahanap ng mga nawawala, natabunan, o kaya'y nakaligtaan nang mga salita sa Isinay ay kung saan-saan ako dinadala ng aking mga paa.

Marami-rami na nga ang aking samutsaring karanasan sa paggalugad ng mga salitang Isinay para sa ginagawa kong Isinay Dictionary.

Nagsimula pa ito noong 2007-2008. Ito’y pagkatapos kong tamaan ng sinasabi nilang slight myocardial infraction, maratay ng ilang araw sa Baguio Medical Center, at di naglaon ay nasundan ng halos dalawang taon na pakikipagbuno sa di ko maipaliwanag na pagkaba-kaba sa tuwing maiwang mag-isa sa bahay o sa apartment, sumakay sa elebeytor, eroplano at siksikang bus at MRT, dumaan ang sinasakyang taxi o kotse sa underpass, at mapagawi sa walang bintana o doble-saradong mga gusali.

Magkahalo raw na agoraphobia at claustrophobia ang dumapo sa akin. At sa mga panahong iyon na nabawas ang aking paggala at lie-low muna ako sa trabahong consultant na may kakambal na biyahe, doon ko naisipan na gumawa ng diksyunaryo ng nawawala nang sinaunang wika ng Timog Nueva Vizcaya.

Hindi minsanan, parang hinihipan ako noon ng aking anghel de la guwardiya hindi lang ng ideya ng pagbuo ng kaunaunahang talatinigan ng Isinay kundi pati ng kung ano ang gagawin, sinong mga tao ang kakausapin, at saang mga lugar ang gagalugarin.

Papitik-pitik noong una ang aking pagkalap ng mga salitang Isinay. At usad-pagong, wika nga, ang aking pagbubunong-braso para sa nasabing proyekto. Subalit kahit papaano ay kaakibat ng mga iyon ang mga karanasan na nagbibigay-sigla kung di man parang nanggagatong sa akin na kahit mahirap ay huwag na huwag akong susuko sa nasimulan kong misyon.

Nandiyan, halimbawa, ang mapasali ako sa padasal ng mga may edad nang kababaihan sa Dupax del Sur na kung di mo alam ang aming masiglang pinag-uusapan ay aakalain mong nagbibigay ako ng isang nakatutuwang training.

Nandiyan ang sisingit ako sa umpukan ng mga kalalakihang Isinay sa isang kanto at mayat-maya pay masaya na silang nagbabangayan sa kung ano ang tamang Isinay nito at nang ganito, at kung kelan at saan nangyari ang pamumugot-ulo ng mga Ibilaw, at marami pang iba.

Kahit saan ako mapunta sa aming bayan ngayon, para bagang isa akong kandidato na ano ba't binabati/nilalapitan/kinakausap, bagay na di ko naranasan noong di ko pa pinangatawanan ang pagbubuo ng kaunaunahang diksyunaryo ng lengguaheng Isinay.

Kung tutuusin ay pupuwede na ngang gawing libro ang mga karanasang ito. Datapwat kakailanganin ko siguro ang matagalang pag-upo sa harap ng aking kompyuter para maibuhos ang mga ito sa isang anyo na mababasa at nanamnamin sila ng ibang tao.

Pansamantala, pagdamutan natin ang kuwento ng pinakahuli kong pakikipagsapalaran. Medyo mahaba-haba ito kaya hiramin ko ang pambungad ng Kuwento ni Lola Basyang noong buhay at sikat pa ito sa radyo: “Mga bata, huwag na kayong malikot, maupo na kayo at sisimulan na ang ating kuwento….”

(SUNDAN SA SUSUNOD NA KABANATA 2)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento