Linggo, Disyembre 2, 2012

Karanasan sa Paghahanap ng mga Nawawalang Salita sa Wikang Isinay (2)

Dayong Ibon sa Kinagisnang Nayon


Nangyari ito nito lamang ika-27 ng Nobyembre. Tulad ng akin nang nakagawian tuwing nasa Dupax, gumising ako na ang alarm clock ay pag-potpot ng magpapandesal, nagtimpla ng kape at nagsawsaw ng kung anong puwedeng isawsaw (malimit ay mainit-init pangpandesal, kung minsan ay natirang tinapay, kung suwertehin ay tupig), dumalaw saglit sa kubeta, at mayat-maya pa ay gumayak na sa paglalakad tungo sa kung saan ko “feel” na magandang puntahan sa araw na iyon.

Mas type ko ang maglakad kung madilim-dilim pa. Gawa kasi pag maliwanag na at may nakakakita sa akin, di ko maiwasan na tumigil para batiin ng “Si bi^bihat!” (magandang umaga sa Isinay) at kung kakilala ang tao ay tiyak masasabit na ako sa matagal-tagal ding kamustahan at kung nasaan na si ganito, ilan na ang mga anak ko, kelan namatay si ganito, saan ako nagtatrabaho, at pagbabalik-tanaw sa buhay Dupax noong araw na may malalaki pang puno pa ng sampalok dito at wala pang bahay sa banda doon, at marami pang iba.

Nakakailang uwi na rin ako sa aking bayang sinilangan. Kung kaya’t sa aking paggagala ay may mga bumabati na sa akin na kung saan sila nang nagsasabi sa mga usyosong kapitbahay, halimbawa, ng “Si Sarles diye an ana^ Ente^ on Dalen Castro” o kaya’y “Apun Baket Feliza on Lahay Pedro Pudiquet diye”. Nakakatuwa na maging conversational piece ka – parang artista o pulitiko – ng mga nadaraanan mo.

Pero andun din ang naiilang pa rin ako pag may nakakakita sa akin na bakas mo sa mukha nila na ang turing sa akin ay isang dayuhan. Ang masakit ay kung kausapin mo sila, halimbawa, sa Ilocano – “Akinbalay dayta?” (Kaninong bahay yan?) – o sa Isinay “Lumawusa^ tay” (Makikiraan po). Bata man o magulang, malimit ang sagot sa iyo ay Tagalog na kung di man puntong Ilocano ay halatang may Isinay accent.

Mas maigi kung ganon na mamasyal kung di pa sumisikat ang araw, mahamog pa ang mga damo sa tabing kalsada, halos wala ka pang nasasalubong at, kung di man nagugulantang na asong kalsada, ang magtataka lang sa gayak mong makulay na baseball cap, putting T-shirt, maliit na pasiking, kakaibang walking shorts, at pekeng Crocs sandals ay mga naghihikab na kalabaw at baka.

(SUNDAN SA KABANATA 3)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento