Mga Salitang may Kakambal na Ala-ala
SA LAKAD kong ito ay nag-unahan muli sa pagsagi sa aking isipan ang mga salitang Isinay na nahalukay ng mga bagay na napagtuunan ko ng pansin o kaya’y hinila ng mga tanawin na kakaib kumpara sa mga nakakasalamuha ko sa Baguio.
Mula noong nagsimula akong mangalap ng mga salitang Isinay, ganyan naman lagi ang nangyayari sa tuwi akong mag-early morning walk. Katulad nang sa tinatawag ng mga mananakbo na "runner's high", ano ba't sa pagkabanat ng aking mga buto at pagpasok ng sariwang hangin sa aking kalamnan, dinadagsa ako ng kung anu-anong ala-ala, ideya, at mga salita na para bang sinasabing “Present! Andito ako!”
Pero ang masarap ay ito: bawat salitang pinapanumbalik ng aking paglalakad ay may kaakbay, kaakibat, o kakambal na mga ala-ala.
Halimbawa, yung pagbubukang-liwayway na pinakakaasam-asam kong panoorin sa paggising saang lugar man ako mapadpad.
Unang naglaro sa kukote ko ang manborobdang – sa Ilocano ay agbannawag. Kasunod nito ay dumating ang mga salitang daya at butta – parehong Isinay ng silangan (bagaman sabi nila ay Ilocano yung daya at ang tunay na Isinay niya ay butta.
At mayat-maya pa ay nabuhay sa aking ala-ala yung mga madaling araw sa I-iyo na halos tulog pa ang buong nayon ay nasa kalsada na kami ng aking lolo at lola papunta sa bukid. Hindi pa ako nag-aaral ay kasakasama na ako ng lola at lola ko. Kung di ko kasama sa kariton noon ang aking lola, nandun ako sa likod ng aking lolo at yakap-yakap ang likod niya habang nakaangkas kami sa kanyang malaking kalabaw (nuwang sa Isinay, nuang sa Ilocano).
Mula sa nayon ng I-iyo noon ay tatlong lugar ang malimit naming puntahan sa bandang ilaya (upstream)ng poblacion ng Dupax (Dupax del Sur na ngayon).
Pinakauna rito ang Langka na kung saan may kaingin (swidden farm sa English, uma sa Ilocano, soppeng sa Isinay) kami.
Pangalawa ang kabilang ilog lang niya na Mammayang na kung saan may sinasakang tubigan (ricefield, taltalon, payaw) ang lolo ko.
Pangatlo ang Arwat na kung saan may bukid ang nanay ko at sa kalapit nitong bundok ay may kinaingin din ang lolo ko na tinamnan ng upland rice (biit sa Ilocano, biit din yata sa Isinay, palay sa bundok yata sa Tagalog).
Noong maglaon ay napadagdag ang mga taniman nila ng kamote at mani sa mga di ginagalaw na tabing-ilog. Ito yung mga flood plain na tinatawag sa English.
Palibhasa tunay na Ilocano, masipag kasi ang aking Apong Pedro lalo na kung sa pagtatanim ang pag-uusapan. Kaya lagi kaming may kinakain at inuulam na mga apo niya ay dahil lagi siyang may binubungkal at tinatamnan kahit hindi niya sarili ang lupa.
Kung masipag-sipag ka lang kasi ay maraming tiwangwang na lugar noon sa Dupax – libreng tamnan mo ng kamoteng baging, kamoteng kahoy, mani, papaya, saging, at samut-saring gulay. Halimbawa ng mga gulay namin dito noon ay: sitaw (gayya), munggo (betung), talong (balaseno), patani (atav), bitsuelas (kudiyas), iris, kamatis, at mustasa. Iyon ay kung kaya mong magbanat-buto para hawanin ang malalaking damo na tinatawag na tanubong sa Ilocano (di ko pa alam sa Isinay).
SUMUNOD na nagpasigla sa aking ala-ala ang dike na tinatawag naming tanggal sa Ilocano at nitong nakalimutan na ng mga Isinay ang taal nilang salita ay tanggal na rin ang kanilang tawag.
Deppu ang naalala kong Isinay nito, pero (pangunahan ko na) noong nagtanong ako pagkatapos kong puntahan ang dike na ito ay nadiskubre ko ang tunay pero nakalimutan na nga karamihan na pangalan nito sa Isinay – pa^de. Ang alam kong tawag ay deppu, pero ito raw ay para lang sa mga maliliit na dike ng patubigan (irigasyon), lalo na yung mga nasa gitna ng mga sakahan.
Ang kakambal na gunita ng pa^de o tanggal ay yung mga weekends na kaya ko nang mapag-isa kung ginagalugad ko ang aking munting paraiso noon sa paligid ng linakihan kong I-iyo. Sa tanggal sa I-iyo ako malimit maligo at magpana noon.
May mga tanggal din paborito naming pasyalan na mga kabataan noong nagbibinata ako. Isa ang Daki^ na sa palagay ko’y ipinangalan sa bamboo raft na daki^ ang tawag sa Isinay (rakit sa Ilocano, balsa sa Tagalog at sa Ilocano). Pangalawa ang Birayan na palagay ko noong unang panahon ay may biray (tawag sa bangka ng mga naunang Ilocano at Visaya). Pangatlo ang Lohban sa may bukiring lugar na tawag ay Lohban (lukban o sua sa Ilocano, suha sa Tagalog).
PANGATLONG bagay na gumising sa ibang kabanata ng aking pagiging bata ay ang nakita kong ginagawa ng isang apo nina Uwa Junior at Manang Sabel Calacala sa may ilog sa ibaba ng bahay nila sa Dalijan. Naghuhugas ng kinainan. Ang Isinay ng gawaing iyon ay manajpat (aginnaw sa Ilocano). Ganoon ang karaniwang assignment ko noong alagang-bata (ajayam sa Isinay, aw-awir sa Ilocano) pa ako hanggang sa noong ako’y maging saydkik, kung baga, ng mga magulang ng nanay ko.
Sangkaterba ang hinuhugasan ko noon – plato (sipa sa Isinay, pinggan sa Ilocano), sandok ng kanin (innaru sa Isinay, aklo ti innapoy sa Ilocano), sandok ng ulam (se-ung sa Isinay, aklo sa Ilocano), mangkok (kumaw sa Isinay, malukong), palayok (banga sa Isinay, tayab), kaldero, at iskudilya.
Wala pang dishwashing liquid noon. Gamit ko lang noon ay fine river sand – pito^ sa Isinay, darat sa Ilocano – na ikinukuskos sa pamamagitan ng dayami (seve sa Isinay, garami). Kung minsan ay tinatangay ng agos ang ilan sa mga hinuhugasan ko, kaya dali-dali ko silang hahabulin para di tuluyang maanod punta sa malalim na bahagi ng ilog kung saan maraming river leech o linta (bilavil sa Isinay, alimatek sa Ilocano).
Katabi ng pinaghuhugasan ng bata ay ang open well (tuvu sa Isinay, bubon sa Ilocano). Paborito ko ang gumawa ng ganitong igiban noong bata ako. Pipiliin ko noon ang di gaanong mabatong parte ng tabing-ilog, tapos kakayurin ko at gagawa ng pabilog na butas. Kung abot ko na ang bumubukal na bahagi, lilinisin ko ito, lalagyan ng malalapad na bato sa gilid, gagawan ng daluyan, at kakalasan ng maputik na tubig. Di maglaon ay magiging malinaw (maliting sa Isinay, nalitnaw sa Ilocano) na ang tubig nito at puwede nang umigib (mansajov sa Isinay, agsakdo sa Ilocano) ng maiinom mula rito na ang gamit namin noon ay bamboo tube (bayongbong sa Isinay, tubong sa Ilocano).
Maliban sa batang kinunan ko ng litrato, ewan kung may mga kabataan pa sa aming bayan na ganyang pag-iimis ng kinainan at paggawa ng igiban ang normal nilang gawain.
(SUNDAN SA KABANATA 4)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento